Iniharap sa mga Ahensya ng Pamahalaan ang Pag-aaral sa Geomorphology ng Ilog Apurawan; Mga Kakulangan sa Monitoring Mechanisms, Itinaas
Ipinapakita ng siyentipikong ebidensya ang mga epekto ng quarrying sa Ilog Apurawan at nananawagan ng mas pinaigting na inter-agency monitoring at pamamahalang nakabatay sa antas ng buong watershed.

Drone shot illustrating the significant expansion and alteration of a river system in Palawan, resulting from disturbances such as mining and quarry operations.
Puerto Princesa City, Palawan | Pebrero 5, 2026
Matagumpay na nagsagawa ang Environmental Legal Assistance Center (ELAC) ng presentasyon hinggil sa Apurawan River Geomorphology Assessment, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa pitong (7) ahensya ng pamahalaan. Bahagi ito ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng ELAC sa mga regulatory institutions (ahensyang pang-regulasyon) kaugnay ng quarrying at pangangalaga ng watershed sa Palawan.

Pinangunahan ang presentasyon ni Dainty Rabang, ang geologist na nagsagawa ng Apurawan River Geomorphology and Water Quality Study—isang independiyenteng siyentipikong pag-aaral na sumusuri sa pisikal na epekto ng pagkuha ng buhangin at graba sa sistema ng ilog.
Ang aktibidad ay bahagi ng kasalukuyang proyekto ng ELAC na pinamagatang “Advancing Participatory Governance for Environmental Protection in the Philippines,” na pinopondohan ng United Nations Democracy Fund (UNDEF). Layunin ng proyektong ito na palakasin ang dayalogo na nakabatay sa ebidensya sa pagitan ng mga komunidad, civil society, at mga institusyon ng pamahalaan hinggil sa environmental governance.
Mahahalagang Natuklasan sa Pag-aaral
Sa presentasyon, ibinahagi ni Ms. Rabang ang mga pangunahing resulta ng pag-aaral, kabilang ang:
- Naitalang paglapad ng ilog at pagbilis ng pagguho ng pampang sa mga bahaging apektado ng quarry;
- Pagtaas ng turbidity at Total Suspended Solids (TSS) sa mga lugar sa ibaba ng quarry sites, na nakaaapekto sa kalidad at paggamit ng tubig;
- Pagkawala ng mga halamang tumutubo sa tabing-ilog (riparian vegetation) at paghina ng katatagan ng pampang, na nagpapataas ng panganib ng pagbaha at erosion; at
- Mga epekto sa ibabang bahagi ng ilog at pinagsama-samang epekto sa mga sistemang irigasyon, pinagkukunan ng tubig, at mga baybaying lugar.

Dalawa sa mga rekumendasyon na nabanggit:

Binigyang-diin ni Ms. Rabang na ang mga pagbabagong ito ay mga kilalang proseso sa geomorphology na karaniwang nagaganap kapag ang isang ilog ay sumasailalim sa in-stream quarrying at labis na pagkuha ng sediment. Bagama’t may kanya-kanyang katangian ang bawat ilog, inaasahan aniya na ang ugnayan ng sanhi at epekto na naobserbahan sa Apurawan ay maaaring mangyari rin sa iba pang ilog na nakararanas ng kaparehong presyon.
Itinaas na mga Kakulangan sa Monitoring at Pamamahala
Isang mahalagang usapin na lumutang sa talakayan ay ang kawalan ng isang gumaganang Multi-Partite Monitoring Team (MMT) para sa mga operasyon ng quarry sa loob ng sistema ng ilog.
Ayon sa mga kalahok, kung walang aktibong MMT, humihina ang regular na monitoring, transparency, at accountability—lalo na sa mga lugar na nakararanas ng pinagsama-samang epekto sa kapaligiran.
Binigyang-diin sa talakayan ang pangangailangan para sa:
- Mas matibay na koordinasyon ng mga ahensya sa pagmamanman ng extractive activities;
- Pagsusuri at pangangasiwa sa antas ng buong watershed, sa halip na hiwa-hiwalay na project-based evaluations; at
- Malinaw na papel at mekanismo para sa makabuluhang partisipasyon ng komunidad sa monitoring process.
Mga Susunod na Hakbang
Nilinaw ng ELAC na ang layunin ng presentasyon ay hindi upang pangunahan ang anumang desisyong pang-regulasyon, kundi upang magbigay ng siyentipikong ebidensya na makatutulong sa masusing pagtalakay sa polisiya, regulatory review, at paglalapat ng pag-iingat kung kinakailangan.
Muling iginiit ng organisasyon ang kahalagahan ng:
- Paglalapat ng Precautionary Principle kung may mga nakikitang ebidensya ng pinsala;
- Paglipat tungo sa mas komprehensibong environmental assessment na isinasaalang-alang ang pinagsama-samang at downstream impacts; at
- Pagtitiyak na ang mga komunidad at kaugnay na institusyon ay may makabuluhang partisipasyon sa mga proseso ng environmental governance.
Patuloy na makikipag-ugnayan ang ELAC sa mga ahensya ng pamahalaan, mga komunidad, at mga teknikal na eksperto upang isulong ang siyentipiko, participatory, at accountable na pagdedesisyon para sa kapaligiran sa Palawan.
Sa Katarungan, Nahuhubog ang Kinabukasan ng Palawan.
