Tama Na. Ang Baha na ang Nagsalita: Ipaglaban ang Moratorium sa Pagmimina sa Palawan
Sa gitna ng mga baha at kapabayaan, sinisimulan ng Palawan ng may direksyon para sa tunay na kaunlaran — proteksyon sa kalikasan, hindi distruksyon.
Mula sa Environmental Legal Assistance Center (ELAC)
Opinyon | Updated - Nobyembre 12, 2025
Ang mga Baha ay Hindi na Likas — Ito ay Gawa ng Tao.
Nang tumama si Bagyong Tino sa Cebu at si Uwan sa iba’t ibang bahagi ng Visayas at hilagang Luzon, at Palawan iisa ang iniwang larawan: mga bahay na natabunan ng putik, mga pamilyang nakasampa sa bubong, at mga rescuer na naglalakad sa ilog na dati ay mga kalsada.
Ayon sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, umabot na sa 232 ang kumpirmadong nasawi sa pananalasa ng Bagyong Tino, habang mahigit 2 milyong katao ang naapektuhan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Patuloy pang ina-update ang pagtataya ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura, na tinatayang aabot sa bilyon-bilyong piso.
Samantala, sa epekto ng Bagyong Uwan, mahigit 2 milyong residente rin ang naapektuhan at hindi bababa sa 18 ang nasawi, batay sa mga inisyal na ulat. Nagpapatuloy ang beripikasyon ng datos at post-disaster assessment ng mga ahensya upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala.
At sa kabila nito, paulit-ulit pa rin ang pahayag ng mga awtoridad: “extreme weather.”
Sabihin na natin ang totoo — ang tunay na bagyo ay dekada nang binubuo.
Dahil kapag gumuho ang kagubatan, susunod na lulubog ang mga pamayanan.
At kapag pumalpak ang pamahalaan, ang mahihirap ang unang nalulunod.
Nakita ng Palawan ang Babala — At Pinili ang Ibang Landas.
Noong unang bahagi ng taon, ipinasa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang 50-Year Mining Moratorium Ordinance — isang makasaysayang hakbang na nagbabawal sa mga bagong proyekto at pagpapalawak ng malalaking pagmimina sa loob ng limampung taon.

Ilang babala pa ba ang kailangan natin?
Hindi ito naging madali. Tinutulan ito ng mga lobbyist. Tinawag ng mga investor na “anti-development.” May ilang politiko pang nagsabing “masyadong idealistic.”
Pero dumating ang mga ulan.
Nang tumama si Tino, nakaranas ng matinding pagbaha ang mga bayan sa hilagang Palawan — kabilang ang Taytay, Roxas, at Coron, pati na rin ang ilang bahagi ng Puerto Princesa City.
Si Uwan ay hindi direktang tumama, ngunit nanatiling naka-alerto ang mga ahensya sa posibilidad ng ulan.
Mas maaga ngayong taon, binaha rin ang Sofronio Española, Puerto Princesa, at Brooke’s Point dahil sa easterlies — patunay na kapag nasira ang watershed, mas malaki ang panganib saan mang bahagi ng isla.
Ang mga pagbaha ngayon ay hindi na likas.
Ito ay bunga ng kapabayaan, maling pagpapasya, at korapsyon.
Kaya napakahalaga ng Palawan Mining Moratorium.
Hindi ito simpleng polisiya sa kalikasan — ito ay linya ng depensa laban sa pagkasira.
Isang malinaw na pahayag: Tama na.
Sobra na ang Tubong Kapalit ay Buhay.
Tawagin na natin ito sa tunay na pangalan.
Ang pagmimina sa mga watershed ay hindi “kaunlaran.”
Ito ay demolisyon ng kalikasan — ginagawang hungkag ang bundok at binabaha ang kapatagan.
Nakita na natin ito:
- Sa Brooke’s Point, winasak ng pagmimina ng nickel ang mga dalisdis; nang bumuhos ang ulan, binaha ang mga barangay na dati ay ligtas.
- Sa Narra at Bataraza, ang mga ilog ay nabaon sa silt at tailings.
- Sa El Nido, ang ilegal na quarrying at road cutting ay nagpapalala ng erosion na ngayon ay banta sa mga sakahan at turismo.
- Sa Langogan, Puerto Princesa, kung saan binago ng mga quarry operation ang daloy ng tubig at nalubog sa baha ang isang IP community.
Ayon sa agham, simple lang ang katotohanan:
Ang kagubatan ay hindi hadlang sa pag-unlad — ito ang batayan ng kaligtasan.
Bawat puno ay istrukturang pumipigil sa baha.
Bawat buo at buhay na watershed ay puhunan para sa kinabukasan.
Panawagan para Panindigan ang Moratorium.
Magiging epektibo lamang ang moratorium kung ito ay ipagtatanggol ng mga lokal na pamahalaan at mga organisasyon ng mamamayan.
Hindi sapat ang mga resolusyon. Kailangan ang tunay na pagpapatupad sa lupa, at ang tapang na magsabing “hindi pwede” kahit may kasamang presyon mula sa mga kontratista o donor.
Dapat ihanay ng mga LGU ang kanilang Comprehensive Land Use Plans (CLUPs) at Forest Land Use Plans (FLUPs) sa polisiya ng moratorium.
Dapat ipagpatuloy ng mga CSO ang pagmamanman, pag-uulat, at pagpapalakas ng suporta ng mamamayan.
At dapat tanggapin ng pambansang pamahalaan na ang pagkasira ng kalikasan ay hindi lamang lokal na problema — ito ay pambansang krisis.
Kung kayang tumindig ng Palawan laban sa ganitong uri ng kasakiman, kaya rin ito ng iba.
Kung kaya ng Palawan, kaya ng Negros. Kaya ng Samar. Kaya ng Cebu, kung gusto nitong huminto sa pagkalunod sa sariling putik.
Ito ay hindi pagsasara sa mundo — ito ay pamumuno sa tamang direksyon.
Komprehensibong Pagpaplano, Hindi mga Pampagandang Proyekto.
Hindi natin kailangan ng panibagong flood-control project na proyekto lang ng kontratista.
Hindi natin kailangan ng mga pansamantalang solusyon na pang-paskil lang sa social media, pero walang saysay sa ulan.
Ang kailangan natin ay komprehensibo at batay sa agham na pagpaplano ng watershed — isang plano na tumitingin sa susunod na 50 taon, hindi lang sa susunod na eleksyon.
Kailangan natin ng mga badyet para sa reforestation, hindi reclamation.
Ng mga lider na alam ang pagkakaiba ng pag-unlad at pagwasak.
Alam na natin kung ano ang hindi gumagana —
lahat ng ginagawa nating mali nitong mga nakaraang dekada.
Tawagin Natin Sila sa Totoo Nilang Pangalan.
Tama na ang paikot-ikot.
Ang problema ay hindi lang “mahinang pagpapatupad.”
Ito ay sinasadyang pagpapabaya.
Binago ang mga ECAN zone para pagbigyan ang mga mapanirang industriya — mula restricted use naging controlled use. At para magmukhang balanse, may ilang controlled use namang ginawang restricted use. Sa madaling sabi, dagdag-bawas — pero sa kalikasan, hindi numero ang nabawasan, kundi kagubatan.
Ito ang mga opisyal na pumipirma ng permit na hindi man lang binabasa.
Ito ang mga kontratistang itinuturing ang mga ilog na parang kanal, at ang mga kagubatan na parang libreng bodega ng materyales.
Ito ang mga ahensyang mas mabilis magbigay ng clearance kaysa kumilos laban sa mga lumalabag.
At ito rin ang mga politikong naaalala lang ang kalikasan kapag bumabaha — at nakakalimutan ito pag sumikat na ulit ang araw.
Alam naman nating lahat kung sino sila.
Sila ‘yung mga nagpapapicture sa gitna ng baha, tapos babalik sa opisina para pumirma ng panibagong permit sa quarry.
Sila ‘yung nagsasabing “magre-reforest tayo,” pero palm oil plantation pala ang tinutukoy.
Sila ‘yung paulit-ulit na ginagamit ang salitang “resilience,” na parang kaya ng tao na magpatayo ng bahay nang mas mabilis kaysa bumagsak ang susunod na bagyo.
Tama na ang kultura ng pagpapanggap — na ang kawalan ng kakayahan ay malasakit, at ang korapsyon ay praktikalidad.
Dahil ang totoong sakuna ay hindi ang ulan — kundi ang pamumuno na ayaw magbago.
Kung kayang magsara ng kalsada para sa motorcade ng VIP,
kaya ring ipasara ang mga minahan ayon sa kasalukuyang batas (Section 19 and Section 9 ng SEP at Mining Act)
Kung kayang bilangin ang mga boto,
kaya ring bilangin ang mga punong nawala.
At kung kayang maglabas ng business permit magdamag,
kaya ring bawiin ito kapag ang negosyo ay sumisira sa watershed.
Ang pananagutan ay hindi pagiging radikal — ito ay tunay na pamamahala.
At Muli, Tawagin Natin Sila sa Totoo Nilang Pangalan.
Tama na ang paligoy-ligoy.
Hindi klima ang problema — pamamahala.
At hindi rin lihim kung sino ang dapat managot.
DPWH, na patuloy sa pagputol ng bundok at pagbubutas ng dalisdis para sa mga kalsadang walang sapat na environmental plan — tapos magtataka kung bakit guguho ang lupa.
DENR, na mabilis maglabas ng permit pero mabagal kumilos kapag may paglabag.
PCSD, na dapat ay tagapagtanggol ng Palawan sa ilalim ng SEP Law, pero madalas ay nagiging tagapagtanggol ng mga proyekto sa ngalan ng “kaunlaran.”
NCIP, na pumipirma ng Certification Precondition sa mga proyekto sa loob ng ancestral domains, pero hindi naman sinisiguro na ang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) ay tunay na malaya, maagap, at may sapat na kaalaman.
At oo, mga LGU na patuloy pa ring nagbibigay ng mga clearance at business permit sa mga proyektong dapat matagal nang tinanggihan — kahit malinaw sa mapa at sa batas na ito ay mga no-build zone.
Kasama rin dito ang mga kontraktor at negosyante na ginagawang negosyo ang bawat bundok, bawat punong pinuputol, bawat proyekto ng gobyerno.
Tama na ang kalokohan.
Ang mamamayan ng Palawan — at ng buong bansa — ang nagbabayad ng inyong kapabayaan sa anyo ng baha, pagkasira ng kabuhayan, at mga buhay na nawawala.
May mandato kayo. Gampanan ninyo ito.
DPWH — magtayo ng mga kalsadang ayon sa lupa, hindi laban dito.
DENR — ipawalang-bisa ang mga permit sa pagmimina at quarrying sa loob ng mga watershed.
PCSD — ipatupad ang SEP Law, hindi iwasan.
NCIP — ipagtanggol ang mga katutubong komunidad, hindi ang mga kompanyang nagpapalayas sa kanila.
LGUs — magplano para sa katatagan, hindi lang para sa eleksyon.
MGB — ipatupad ang section 19 ng RA No. 7942 (Philippine Mining Act)
Kapag pumalpak kayo, may namamatay.
Kapag nagpaliban kayo, may kagubatang nawawala.
Hindi ito pagiging radikal — ito ay pananagutan.
Ipatupad ang batas.
Itigil ang pagdadahilan ng “kalikasan” sa mga sakunang gawa ng tao.
Mensahe Mula sa Putik
Nasa tamang direksyon ang Palawan.
Sa pagpili ng moratorium, pinili nito ang buhay kaysa tubo, ang katatagan kaysa kasakiman.
Ngunit hindi lang ito laban ng Palawan.
Ito ay babala para sa buong bansa.
Ilang tao pa ang kailangang malunod bago tayo makinig sa lupa?
Ilang tulay pa ang kailangang tangayin ng baha bago tayo tumigil sa pag-apruba ng mga proyektong sumasaksak sa kabundukan?
Kapag may politiko o negosyanteng magsasabing “sustainable” ang pagmimina,
ipakita mo sa kanila ang litrato ng binahang barangay.
At itanong: Sino ang yumaman — at sino ang nalunod?
Hindi na natin kayang magbasa ng panibagong headline ng sakuna.
Hindi na tayo dapat tawaging “resilient” habang paulit-ulit tayong sinisira.
Ang kailangan natin ay integridad. Tapang. At pagkakapareho ng salita at gawa.
🌏 Tama na. Ang mga baha na ang nagsalita.
Panahon nang makinig — at kumilos — habang may panahon pa.
Republic of the Philippines
Congress of the Philippines
Metro Manila
Republic Act No. 7942 Philippines
Mining Act of 1995.
An Act instituting a new system of mineral resources exploration,
development, utilization and conservation
CHAPTER III
SCOPE OF APPLICATION
Section 15. Scope of Application. - This Act shall govern the exploration, development, utilization and processing of all mineral resources.
Section 16. Opening of Ancestral Lands for Mining Operations. - No ancestral land shall be opened for mining operations without the prior consent of the indigenous cultural community concerned.
Section 17. Royalty Payments for Indigenous Cultural Communities. - In the event of an agreement with an indigenous cultural community pursuant to the preceding section, the royalty payment, upon utilization of the minerals shall be agreed upon by the parties. The said royalty shall form part of a trust fund for the socioeconomic well-being of the indigenous cultural community.
Section 18. Areas Open to Mining Operations. - Subject to any existing rights or reservations and prior agreements of all parties, all mineral resources in public or private lands, including timber or forestlands as defined in existing laws, shall be open to mineral agreements or financial or technical assistance agreement applications. Any conflict that may arise under this provision shall be heard and resolved by the panel of arbitrators.
Section 19. Areas Closed to Mining Applications. - Mineral agreement or financial or technical assistance agreement applications shall not be allowed:
a. In military and other government reservations, except upon prior written clearance by the government agency concerned;
b. Near or under public or private buildings, cemeteries, archeological and historic sites, bridges, highways, waterways, railroads, reservoirs, dams or other infrastructure projects, public or private works including plantations or valuable crops, except upon written consent of the government agency or private entity concerned;
c. In areas covered by valid and existing mining rights;
d. In areas expressly prohibited by law;
e. In areas covered by small-scale miners as defined by law unless with prior consent of the small-scale miners, in which case a royalty payment upon the utilization of minerals shall be agreed upon by the parties, said royalty forming a trust fund for the socioeconomic development of the community concerned; and
f. Old growth or virgin forests, proclaimed watershed forest reserves, wilderness area, mangrove forests, mossy forests, national parks, provincial/municipal forests, parks, greenbelts, game refuge and bird sanctuaries as defined by law and in areas expressly prohibited under the National Integrated Protected Area System (NIPAS) under Republic Act No. 7586, Department Administrative Order No. 25, series of 1992 and other laws.
